Tatlong segundo.

III

May nakapagsabi sa akin dati na umaabot sa tatlong segundo ang pagkabalisang nararamdaman kapag nagiging bahagi ng muling pagkikita. Nangyayari ito sa kahit na sinong tao. Di-maikakailang nagiging masalimuot ang sitwasyon kung lalagpas sa tatlong segundo.

Ang unang segundo ay nakalaan sa pagtatagpo ng mga paningin. Titingin siya sa iyo at titingin ka sa kanya.

Ang susunod na segundo ay para naman sa paghalungkat sa baul ng nakalipas. Sa loob ng napakaliit na oras, gagawin at gagawin pareho ng magkabilang panig ang paghahanap ng tutugmang mukha sa mahabang listahan ng mga nakilala na o naging bahagi na ng kanya-kanyang buhay.

Ang huling segundo naman ay inuubos sa pag-iisip ng tamang reaksyon sa muling pagkikita. Saka lamang ito gagawin, sasabihin, o iisipin.

Lumagpas sa tatlong segundo ang muli naming pagkikita ng tatlong lalaki sa harapan ko. Tama nga ang nagkuwento sa akin noon. Walang pasabing dumarating ang mga ganitong tagpo at kapag hindi ka handa ay wala kang kawala.

Kalahating minuto ang inabot ng pagsasalit-salitan ng tingin. Isa-isa ko silang tiningnan sa mga mata, at isa-isa rin silang tumingin sa mga mata ng isa’t isa. Ni isa sa amin ay walang nakaalam ng tamang sabihin. Nang binasag ni Mama ang katahimikan sa pamamagitan ng pagbanggit ng pangalan ko bilang pormal na pagpapakilala, saka ko naalaalang si Tito Nick ang nakapagkuwento sa akin noon ng tungkol sa unang tatlong segundo ng muling pagkikita.

“Ikaw na ba ‘yan,” tanong sa akin ni Tito Nick. May kahinaan ng loob ang tono niya pero nakangiti pa rin. Pinaling niya pakanan ang mukha niya kay Papa. “Binatang-binata na ‘tong bunso mo, ha?”

“Magkasing-edad lang yata sila ni Kirk. Ilang taon ka na nga ulit, Kirk?”

“20 po.”

“Magkaedad nga kayo. Naaalala mo pa ba siya?”

Umiling ako.

“Bata pa kayo unang nagkakilala. Naghahabulan pa kayo dati, diba?”

“Hindi na siguro nila maalala,” sabad ni Mama na umupo na sa silya katabi ng mahabang lamesa.

“Inaanak siya ni Tito Nick mo,” paliwanag ni Papa.

Inabot ko ang kamay ko kay Kirk at sinabi ang pangalan ko. Ngumiti siya at nagbiglang-taas ng kilay tanda ng pagkilala. Lumingon ako kay Tito Nick at inabot ang kamay niya upang makapagmano. Pinigil niya ang ulo ko at kinamot na lang ito nang bahagya.

“Huwag ka nang magmano. Hindi pa ako kasintanda ng tatay mo.”

“Aba,” bulalas ni Papa.

Nagkaroon ulit ng sandaling katahimikan. Kumbaga, nagpapalagayan pa lang kami ng mga loob lalo na’t ngayon ko lang ulit nakita si Papa, si Kuya Nick, at si Kirk na hindi ko pa rin matandaan.

Nang lumuwag na ang hangin sa loob ng kuwarto, tinanong ko si Tito Nick kung kumusta na siya. Ipinaliwanag niya sa akin ang kalagayan niya. Nabanggit niya ang salitang “cirrhosis”, isang sakit sa atay na kung hindi maaagapan ay maaari niyang ikamatay. Ikinagitla ko ang pagiging totoo ng mga salita niya. Para bang wala siyang katakut-takot pagdating sa usaping kalusugan. Hindi man siya nangiming pag-usapan ang mga posibilidad, damang-dama ko sa timbre ng boses niya ang gabutil na takot na ayaw niyang ipahalata.

“Kaya mo ‘yan, Tito,” sabi ko sa kanya habang hawak ang isa niyang braso. “Kaya mo ‘yan.”

“Maya-maya darating na ‘yung doktor,” paalaala ni Mama. “Nakausap ko na ‘yung nurse kanina, Nick. Doktor na muna bahala sa’yo ngayong gabi.”

Tumungu-tungo si Tito Nick. Mistula niyang binalanse ang mga winika ni Mama sa loob ng ulo niya.

Ilang minuto pa ang lumipas. Numipis ang gana ng pakikipag-usap ng isa’t isa. Marahil, nasa isip naming lahat na mas makaiinam ang pagpanatag kay Tito Nick sa mga sandaling iyon.

Nang dumating na ang doktor, isang matabang babaeng namimilak na ang ilang hibla ng buhok, lumabas na kami nina Mama, Papa at Kirk mula sa kuwarto. Yinakag kami ni Papang kumain ng hapunan. Saka lamang muling pumasok sa kokote ko ang pagkagutom. Saka lamang ulit kumalam ang tiyan ko.

9 thoughts on “Tatlong segundo.

  1. Napaisip ako bigla.. nitong nakaraang linggo lang, may bagong mukha akong nakasalamuha. literal na bagong salpak sa buhay ko ung mga taong un, dahil sa wla akong maalala sa kanila, iniisip ko ngayon kung ilang segundo ba ang pinalagpas ko bago rumehistro ng todo sa utak ko kung sino na nga sila at ano sila sa buhay ko.. :d just sharing.. :)

  2. iniisip ko yong tatlong segundo. parang slow motion ang nangyayare sa utak ng tao tapos tsaran kilala kita o di kaya question mark. bow!

    parang nasa loob lng ako nung main character, tinatanong ko rin sarili ko sa mga tanong nya.

  3. haiz… hindi ko alam kung bakit ako napapapigil ng hininga kapag binabasa ang mga post mo… :-)

    ito yung mga post na medyo personal, pero napaka artistic ng pagkakagawa, I would like to get this style…

    pero tingin ko, makukuha ko yung style, pero yung emosyon na inilagay mo sa post, ay makukuha lang sa experience… i mean sa pagiging involve mo sa kuwento.. :-) nice jay, nice work jay…

  4. Biglang naging-private yung blog na ‘to. Ilang beses din akong pabalik-balik nung mga nakaraang araw. Umaasa na makakabasa nang mga bagong post. Akala ko nawala na. Mabuti naman at muli kang nagbalik. Ang galing mo magkwento. Ibang-iba ang istilo mo.

Leave a Comment, Please

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s